Nakalilinis, nakatatangal ng uhaw, nakapagpapanibago…yan ang dulot ng Sakramento ng Binyag. Dahil sa sakramentong ito, tayo ay nagiging kabahagi ng sambayanan ng Diyos at nagiging tagapagmana ng Kanyang kaharian. Nakikiisa tayo sa halimbawa ni Kristo, nang Siya mismo ay bininyagan sa pamamagitan ni San Juan Bautista.
Sa karanasan natin bilang mga Pilipino, ang binyag ay karaniwang isang malaking selebrasyon at pagtitipon. Nariyan na ang pagkakaroon ng magarbong handaan, may pakimkim sa Ninong at Ninang, at gaya nga ng sinabi ni Ginoong Gabe Mercado sa dokumentrayong ating pinanoood ay, may pa-proxy-proxy pa!
Ngunit,higit pa sa magarbong handaan, ang Sakramento ng Binyag ay sadya ngang napakahalaga sa buhay nating mga Kristiyano. Sa pamamagitan ng sakramentong ito, tayo ay nanunumbalik sa piling ng Diyos, at muling nakikiisa sa Kanya.
Nakakalinis….
Sapagkat, sa pamamagitan nito, ay nalilinis ang bahid sa atin ng “Original Sin”, na siyang dahilan ng ating pagkakawalay sa Diyos, noong sinauna pa man sa pamamagitan ni Eba at Adan.
Nakakatangal ng Uhaw…
Sa pamamagaitan ng sakramentong ito, napupunan ang ating pagkauhaw sa Diyos na siyang lumikha sa atin, sapagkat gaya ng sabi ni Kristo, siya ang "Tubig ng Buhay".
Nakakapanibago...
Sa pamamagitan ng sakramentong ito, tayo ay napapanibago, isinisilang muli o born again. Sa pagmamahal ng Diyos at sa pamamagitan ng Kanyang grasya, tayo ay inihahango niya sa pagkalugmok dulot ng kasalanan sa pamamagitan ng sakramento ng Binyag.
Ngunit, hindi natatapos sa selebrasyon, handaan at ritwal ang ating pagkaka-binyag. Bilang binyagan, tayo ay may pananagutan. Kailangan nating “Magpakatotoo” o “Magpatotoo”, na tayo ay nga ay mga binyagan, sapagkat bilang mga Kristiyano, ito ay may kaakibat na pananagutan. Ito ay ang pagsasabuhay at pagsunod kay Kristo, pagkakaroo ng masiglang buhay panalangin, di lang sa sarili kundi para sa iba at panghuli ay ang pananagutan na maglingkod sa kapwa tao lalo na sa mga mahihirap.
Gabay sa Pagninilay:
- Balikan ang mga natutunan at bagong kaalaman ukol sa Sakramento ng Binyag. Ano sa mga bagong kaalaman na ito ang pinaka-tumatak sa iyo? Bakit?
- Kumusta ang iyong pagpapakatotoo bilang isang bininyagan? Sa puntong ito ng iyong buhay, masasabi mo bang ‘nagpapakatotoo’ ka bilang isang Binyagan? Kumusta ang iyong pagsasabuhay kay Kristo? Ang iyong buhay panalangin? Ang pagtulong sa iyong kapwa?
- Marahil, madalas hindi natin nabibigyang halaga ang ating pagkakabinyag. Nagyong, natalakay na natin ang kahalagahan nito, maaring sumulat ka ng isang panalangin ng pasasalamat sa Diyos sa grasyang ito sa iyo.
- Makakatulong sa iyo kung isusulat mo ang iyong panalangin sa iyong prayer journal Maaring itala mo lahat dito ang iyong naramdaman at ang imahe ng Diyos na iyong nakita matapos ang iyong pagdarasal.
Reference: Ang Tubig ng Buhay, Jesuit Communications Foundation, Inc. 2008
No comments:
Post a Comment